Saturday, 16 March 2013

Edukasyon ko Inang Bayan, kaya mo pa bang tustusan?

Ngayong gabi, nasadlak ako sa kalungkutan ng marinig ko ang pagpapakamatay ng isang labing-anim na taong gulang na estudyante mula sa University of the Philippines - Manila (UP-Manila).  Freshman siya ng dating kolehiyo ni Aiko, parehas na Behavioral Sciences ang kurso.  Pinakita siya sa akin ng kapatid ko sa iilang Facebook pictures na naka-share sa page ng kolehiyo nila. Marahan siyang nagkwento.  Madalas na tumitingin ang kapatid ko ng mga pictures ng underclassmen niya at palaging sumusulyap sa landas na hindi niya tinahak. Natatandaan niya daw na representative si Kristel ng mga freshman sa isang aktibidad ng kolehiyo. Nabanggit niya nga minsan, sa aking paggunita, na madami daw siyang gustong "i-bully" sa mga first years.  Tulad daw ng mga ginawa sa kanila noong isang semestre niyang pag-aral sa UP.  At heto daw, hindi siya makapaniwala na merong nagpakamatay sa kinasasabikan niyang mga underclassmen. Dahil sa kahirapan ng buhay.  "Paano kung nandun ako?", tanong niya sa akin habang nagpipigil ng luha.  Wala akong naisagot.

Si Kristel ay panganay sa limang magkakapatid.  Taxi driver ang trabaho ng ama at simpleng maybahay lamang ang ina.  Isa lamang siya sa maraming kabataan ngayon sa Pilipinas na naghahangad ng edukasyon ngunit nahahadlangan ito ng kahirapan.  Nitong nakaraang dalawang dekada, hindi makakaila na lubhang bumaba ang budget ng gobyerno sa edukasyon sa kabila ng mga pangako nila na pagtutuunan ito ng pansin. Ang unang naalala ko nung dekada nobenta ay ang pag-allocate ng budget sa iba't-ibang sektor ng gobyerno para ilagay sa "pork barrel".   Isa ang kagawaran ng edukasyon sa kinuhanan ng pera upang mapuno ang kaban ng mga kongresista.  At sinong makakalimot sa milyones na tinanggal ng administrasyong Arroyo sa PUP?  Isa yan sa mga ibinato ni PNoy sa nakalipas na administrasyon at kakatwa na isinambalik niya sa pamumuno niya ngayon.  Mas malala pa nga kung ikukumpara dahil isang bilyon mahigit ang tinanggal niya sa edukasyon at kalusugan nitong taong 2010.  Sa dami ng mga kinaltas ng gobyerno, lumipad ang halaga ng edukasyong hirap na ngang abutin ng mahihirap.  


Isa sa mga naunang artikulo na lumabas tungkol sa trahedya mula sa The Manila Collegian


Natatakot ako para sa mga kapwa ko Pilipino, lalong lalo na para sa mga kabataan.  Tila ba unti-unti nilang ginagawang mang mang ang mga sumusunod na henerasyon.  Tumatarik ang tatsulok at ang edukasyon na dapat ay karapatan ng bawat isa ay nagiging pribilehiyo.  Mayayaman na lamang ang nakakatamasa ng disenteng edukasyon at ang mga sadlak sa hirap ay nagkukumahog sa maliliit na silid-aralan.  Nasa awa na tayo ng mga oligarko sapagkat hawak nila ang utak ng kabataan. Nitong nakaraang dekada, meron nang mga artikulo at iilang mga aktibista ang pumuna sa pamamaraan nila.  Natatandaan niyo pa ba ang "Study now, pay later" program noong 90s? Isang mabuting programa na ginagawang paraan ng mga oligarko para maibulsa ang pera ng masa.  Halos isang daang estudyante din ang nabigyan ng umano'y "loan" ang hindi masingil ng Commission of Audit (COA).  Naglaho na parang mga multo. Ha! Tapos sa tuwing may mga problemang darating (tulad ng kay Kristel) ay pinaiikot lamang nila tayo sa mga hintuturo nilang di matigil sa pagturo.  Sinisisi ng gobyerno ang UP-Manila ngunit sila ang tunay na may hawak ng kapangyarihan upang mabago ito.  Madaling magtaas ng tuition ngunit hindi madaling ibaba.  Madaling magsibak ng estudyante kaysa sa gumawa ng paraan upang makatapos sila.  Yupian na nga talaga ang UP kung ganun.

Tila nga malayo-layo pa ang tatahakin natin para maabot ang Pilipinas na ipinaglaban noon ng ating mga ninuno.  Ayokong matulad ang mga Pilipino kay Boxer (ng Animal Farm) na buong buhay nagkayod para sa demokrasyang hindi totoo at namatay ng hindi namulat sa katotohanan. Masipag at matiyaga ang mga Pilipino at di hamak na may potensyal upang harapin ang mundo.  Huwag tayong magbulag-bulagan at magbingi-bingihan sa isyung ito! Edukasyon ang susi sa pag-ahon mula sa kahirapan kaya huwag tayong pumayag na tanggalin ito sa ating mga anak. Sabay sabay nating pasanin ang bigat ng buhay na kinitil ng mga oligarko at ipaglaban ang nararapat.

Imahe ng kasipagan at tiyaga



Sa ngayon, ang pagtustos ko sa dalawang bata mula sa World Vision ang tanging magagawa ko upang makatulong sa sitwasyon.  Maraming tumutulong sa atin mula sa iba't-ibang bansa kaya't tulungan din natin ang isa't-isa.  MERONG PAG-ASA ANG PILIPINAS!  

Isang World Vision sponsored child dati, Order of Lakandula and CNN Hero

 Sana ay makita ko ring magtagumpay sina Clarence at Lyka sa buhay.  Sa ngayon, hahayaan ko muna silang maging bata.

No comments:

Post a Comment